Ikalimang Kilig
Alas diyes na ng gabi pero hindi pa
din ako nakakatulog. Katext ko pa kasi si Vickie ngayon. Duma-the-moves na ako.
Wala naman kaming ibang pinag-usapan kung hindi ang mga buhay-buhay namin. Hindi ko
pa maisingit ang pagtatanong patungkol sa lovelife n’ya. Natatakot ako na baka
iba ang maging dating sa kan’ya kung itatanong ko pa ‘yon sa kan’ya. Kuntento
na muna ako sa mga bagay na mayroon kami. ‘Yung ganito lang. Atleast malapit
s’ya sa akin.
Ilang oras ko din s’yang naka-text. Nakapagload
tuloy ako ng wala sa oras. Nakakatawa nga kasi hindi naman ako mahilig
mag-load. Hindi naman kasi kailangan magload ng magload dahil wala pa naman
akong trabaho. Wala pang mga unexpected messagaes na dumadating sa cellphone
ko. Nag-g-gm din naman ako kasi ang KJ ko naman sa sarili ko para hindi maranasan
ang mga bagay bagay na ginagawa ng mga teenagers na katulad ko (dati).
Naranasan ko nga din na sumali sa mga text clans. ‘Yung may codename ka depende
sa gusto mo. Pwedeng anime, artista, pet name o character ng paborito mong
teleserye. Kratos ang naging codename ko. Isa itong character sa isang game.
Hindi ako mahilig sa computer games pero nagustuhan ko ang graphics ng game na
‘to kaya ginamit ko. Para sa akin, hindi masama ang pagsali sa ganitong mga
klase ng pakikipag-kaibigan. Ang mahalaga ay alam mo kung saan ang limitasyon
mo. Hindi porke close kayo sa text nang isa mong clanmate ay agad ka ng sasama
sa kan’ya. Dito din kasi nagsisimula ang pagdami ng mga kabataang maagang
bumubuo ng isang pamilya. Pero kung ako ang tatanungin, mas magandang magkaroon
ka nang kaibigan ng may personal kayong relasyon. Mas tumatagal. Pero sa
ngayon, hindi na ‘to gasinong uso. Mas maraming nahahaling sa pagsali sa
Facebook groups sapagkat nauuso na rin ang libreng FB promos ng mga cellular
companies na ginagamit nilang taktika para mas maging mabenta ang kanilang sim
cards.
Pakiramdam ko ay nasa cloud nine ako
ng mga oras na ito. Gusto ko tuloy manood ng mga pamatay na lovestoryng nauuso
ngayon sa sinehan at sa telebisyon. Ang corny-corny nang tingin ko dati sa mga
ganitong klase ng pelikula. Tae, ganun pala talaga kapag inlababo, nagiging
astig ang corny at nagpapaka-corny ang mga astig.
Iniisip ko na para bang nakakaamoy
ako ng pag-asa kay Vickie. Pag-asa na sana’y maganap. Paikot-ikot ako sa
higaan. Hindi talaga ako dalawin ng antok. Si Vickie kasi, patuloy na tumatakbo
sa loob ng utak ko.
Bumaba ako ng higaan at nag-diretso
sa kusina. Naabutan ko si Miko, boardmate ko na umiinom ng kape.
“Kape?”, alok n’ya sa ‘kin. “Hindi
kasi ako makatulog, eh?”. Astig ‘no? Hindi na nga sya makatulog pero naisip pa
rin n’yang uminom ng kape. Gan’yan din kasi ako ‘pag minsan. Kape ang ginagamit
na pampatulog. At sa kabutihang palad ay nakakatulog naman ako. “hindi ka pa inaantok?”
Tumango lang ako.
“Problema?”, sabi ni Miko. “Iba ang
mga ngiti natin ngayon, ah?” May pang-a-alaska sa tinig n’ya.
“Wala naman”, tipid kong sagot.
“Inlove ka p’re, ano?”, tsimoso rin
‘to at kalahati eh. Sabi nila kapag lalaki ka, hindi ka dapat tsismoso. Asus,
wala naman talagang pinoy na hindi mahilig sa tsismis. Tsismoso din naman ang
mga lalaki. ‘Di nga lang ganun katindi katulad ng sa babae na may
nagkakademandahan dahil sa pagkakalat ng buhay ng may buhay. Saya kaya nitong
mga ganitong bagay na nauuwi sa barangayan.
Ngumiti lang ako. Ayaw kong magbigay
ng komento. Pa-showbiz effect.
“Ah sus, alam na this! Sige p’re,
good luck”, tinapik n’ya ako. Nagbaba ng pinagkapehang mug sa lababo. Iniwan
ako.
Kumuha ako ng tubig sa refrigerator.
Uminom.
Umupo muna ako para magpadalaw ng
antok sa sistema ko. Napansin ko ang isang tabloid sa ibabaw ng mesa. Kahapong
issue. Nagbuklat ako ng pahina. Puro krimen at mga ilang politikong gahaman.
Hindi ako masyadong pamilyar sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa pulitikal
na isyu kaya hindi rin ako nagbibigay ng komento. Hindi madaling mamuno sa
isang lugar lalo sa isang nasyon. Mas madaling mamuna kaysa mamuno. Ayaw kong
masabihang nagmamagaling. Baka kasi ‘pag ako na ang nakaupo sa pwesto nila,
hindi ko din magawa. Pero hindi na din ako nagtitiwala sa mga politikong tao.
Ang pangit na kasi ng paningin ng tao sa mga politiko. Ang dami-dami ng isyung
nakawan. ‘Pag nahuli na, ayun nagkakasakit naman. Dinadala sa ospital para
matakasan ang kanilang ginawang kamalian. Tapos, ‘pag nakalimutan na ng taong
bayan ay tumatakbo pa ulit sa mga susunod na eleksyon. Ang masaya, nananalo pa!
Hanep talaga. Sino ba talaga ang may problema, ang sistema o ang mga taong nasa
loob ng sistema?
Isa pang nabasa kong isyu sa tabloid
ay patungkol naman sa isang babaeng nagpakamatay dahil iniwan ng kan’yang
minamahal. Mababaw ang dahilan at sa totoo lang ay isang katangahan pero hindi
ko ‘to maaaring husgahan. Mali ang magpakamatay pero para sa ‘kin ay hindi
siguro ito ang maituturing kong malaking kasalanan n’ya. Ang naging kasalanan
n’ya ay nagmahal s’ya ng higit sa buhay n’ya. Nakalimutan n’ya ang mga taong
nakapaligid sa kan’ya na nagbibigay ng sobra-sobrang pagmamahal. Kaya kung ikaw
na nabasted o iniwan ng iyong irog ay nag-iisip ng kitilin ang buhay, gamitin
ang utak. Walang solusyon na ‘pagtakas’ sa mga problema. Alam kong hindi ‘yon
napakadali. Sobrang hirap magmove-on kahit hindi ko pa nararanasan. It takes a
lot of time to heal a broken heart pero hindi ‘yon ang dahilan. Kung may
pamilya at kaibigan ka sa paligid mo na alam mong hindi ka talaga iiwan, wala
kang karapatang magsalitang walang nagmamahal sa’yo. Pero kung wala kang
pamilya o kaibigan o sinisinta, hindi sila ang sisihin mo. Sarili mo sapagkat
walang nagmamahal sa’yo. ‘Wag kang hunghang. Isipin mo, sa mahal ng
pagpapalibing ngayon. Pahihirapan mo pa ang mga taong hindi mo naisip ng gawin
mo ‘yan. Pero kung insured ka na naman pala, why not? Try it. Masakit
maibalsamo.
Pagkatapos kong pasadahan ng ilang
sandali ang tabloid, umakyat na din ako sa taas para matulog. Nararamdaman ko
na, malapit na akong matulog. Na-e-excite na ako bukas. Hindi ko mapigilan
dahil alam kong may magandang magaganap bukas.
Teka, saan ko nga ba s’ya aayain?
Hindi ko pa pala napagpaplanuhan kung anong magaganap bukas. Naku, bahala na
nga bukas.
Bahala na talaga.
Nagvibrate muli yung cellphone ko.
Isang message mula kay Vickie.
“tnx
& gud nyt!”
Putsa! Lalong hindi ako nakatulog.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento