Ika-apat na Sablay
“Marunong ka palang kumanta?”, sabi n’ya sa akin. Hindi ko alam kung totoo ba yung naganap kanina. Yung kumanta s’ya ng Torpe ni Barbie Almabis o sadya lamang na malikot ang imahinasyon ko at hindi ko na malaman ang pagkakaiba ng realidad at pantasya.
Nasa harapan na kami ng library pero parang wala sa isa sa amin ang gustong pumasok sa loob. Tigil ang mundo para sa akin. Hindi ko alam sa kan’ya? Mabubuhay na lamang ba ako sa sarili kong pantasya? Hindi na!
“Pasok na tayo?”, ‘aya ko sa kan’ya. Pinagbuksan n’ya ako ng pinto. Taena, sablay na naman. Bakit ba hindi nagiging automatic na ako ang magbukas ng pinto kapag may kasama akong babae? Hindi ba ako naka-attend ng GMRC at Values nung nag-aaral ako ng elementary at high school.
“S-salamat!”, sabi ko naman sa kan’ya. Naku po, aasahan kong turn-off na agad ang status ko sa kan’ya.
Nasa loob na kami ng library. Naghanap muna kami ng mapupwestuhan. Maunti ang tao sa library, lagi! Hindi naman kasi talaga mahilig magpunta ang mga estudyante sa loob ng library ng eskuwelahan. Ilan lang. usually, mga taong semi-weird gaya ko. Yung iba, mga top students na kumakain ng bawat pahina ng libro. Yung iba, tatambay dahil malamig sa loob ng library (depende kung may air conditioner sa loob). Yung iba, natutulog dahil akala nila ay hotel ang library. Pero ako (dahil ako ang bida ng kwento kaya ako lang ang magaling), nagpupunta ako ng library dahil nagbabasa ako ng libro, artikulo at kung anik-anik na maaring mabasa. Bukod doon, tambayan kasi ito ni Vickie. Lagi s’ya dito dahil isa s’yang student assistant. Natututo ka na, nakasilay ka pa! Landi 101.
“Oh, Vickie!”, yung librarian. Nagulat. “Akala ko hindi ka pupunta ngayon? Hindi mo schedule ngayon, di ba?”
“Ma’am, hindi po. Magrereview po sana kami”, tinuro nya ako.
“Ay, ganun ba? Magpapatulong na sana ako. Hindi kasi pumasok si Lileth kaya wala akong katulong ngayon dito” Yung tono nung librarian, talagang paawa effect. Tumingin ako kay Vickie, mukhang naaawa. Sheet. Mukhang nangagamoy purnada ang review-review-han namin nito.
Matagal nag-isip si Vickie. Tapos ayun, lumabas ang salitang “Sige po!” sa kanyang bibig. Yown, purnada talaga ang aking masasayang sandali. Tumingin sa akin si Vickie.
“Eli, sorry ha? Mukhang hindi kita masasamahan sa pagrereview. Siguro, next time na lang.”, Nga-nga ako dun ah?
“Ah, ganun ba?”, takteng buhay ‘to. Sa dinami-dami ng mga araw ng pwedeng hindi pumasok yung Lileth, ngayon pa? Badtrip. “Pero, pwede naman akong tumulong sa’yo!”, parang biglang pumasok sa isipan ko ang ideyang iyon. Wow, salamat at gumana ang dual core kung utak ngayon.
“S-sigurado ka?”, nakangiti s’ya. Kinikilig ang mga bulate ko sa tiyan.
“Oo naman. Bakit hindi?”, tapos ibinaba na namin yung bag namin.
“Mabuti at tutulong sa’yo itong boyfriend mo.”, sabi nung librarian. Wow, ang sarap pakinggan. Paulit pa nga po?
Natawa lang si Vickie pero hindi nagsalita.
“Naku, hindi n’ya po ako boyfriend”, lakas ko makatanggi ano?
“Ah, hindi pa ba?”, yun yung matindi doon. Lalong natawa si Vickie. Natawa ako. Natawa yung librarian. Hindi na siguro ako nito tanda. Sa ngayon, wala na akong nararamdamang pulang chakra sa kan’yang katawan. Good mood.
“Tara, Eli. Sige po ma’am”, paalam n’ya sa guro.
Nagpunta na kami sa isang table na puno ng mga libro.
“Eli, ilalagay lang natin ito sa shelf according sa categories. Okay?”, ngiti lang.
Tumango ako. Mukhang masaya ‘to. Biruin mo, magkasama na talaga kami ni Vickie. Yung parang sa movies na ang setting ay sa library. Nagtatawanan. Halatang mga inlove sa isa’t isa. Ganun sana.
Sabay naming dinampot ang isang libro. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, nagkalapit ang aming mga kamay. Matagal. Parang may kung anong enerhiya na dumaloy sa buo kong pagkatao ng magdampi ang balat ko sa balat n’ya. Pakiramdam ko ay muling tumigil ang mundo ko nang mga oras na ‘yon. Walang tao sa paligid namin, at tanging kami lang ang nakikita ko. Sa mga oras ding iyon, tanging tibok ng puso ko ang naririning ko. May musika pero parang kami lang ang nakakarinig. Kaba. Excitement. At ang OA ng description ko sa limang segundo moment ng mga kamay namin ni Vickie.
Dagli din naming inawat ang aming mga kamay sa paglandi. Dagli ko ding inawat ang aking sarili sa pag-iisip ng ka-OA-ng naganap kanina. Nagkatinginan muna kami at tila nagkaroon ng hiyang damputing muli ang libro na pinag-aagawan namin kanina. Ako na ang kumuha ng libro.
“Saan ba natin ‘to ilalagay?”, basag ko sa namamayaning katahimikan sa pagitan naming dal’wa.
“Dito ‘yan!”, tila may pang-i-ilang sa kan’yang mga tinig.
“Sorry kanina.”, yung yung nasabi ko.
Natigilan s’ya. “Sorry saan?”
“’Dun sa kaninang…”, kumunoot ang noo n’ya. Nagka-amnesia.
“Doon ba? Wala ‘yon. Hindi ka dapat humingi ng sorry.” Bakit nga ba ako nagso-sorry eh wala naman talaga akong ginawang masama. Baka nga sinadya n’yang gawin ‘yun eh. Tapos kunwari, nagkalapit ang mga kamay namin ng hindi sinasadya.
Matagal din kaming nag-ayos ng mga librong ginamit ng mga estudyante. Tumulong na din ako sa kan’ya sa paglilinis sa loob ng library. Hindi ako nagsisisi na tinulungan ko siya sa pag-aayos. Hindi ko alam kung pogi points ito sa kan’ya. Basta ang alam ko, masaya ang naganap sa araw na ‘to. Pero hindi ako nag-a-assume sa kan’ya na may gusto rin s’ya sa akin. Hindi talaga. Hindi. O sige na nga, slightly lang. pinakikilig ko lang ang sarili ko ng kaunti para naman ganahan akong mag-aral.
Maraming beses na kasi akong nag-assume na may gusto ang isang babae sa akin kapag ginagawan nila ako ng maganda pero ang nagiging ending, friendzone. Kaya nga minsan, ayaw ko ng maniwala sa ipinapakitang kabaitan ng crush ko sa akin. Isa lang naman ang masasabi ko sa mga babaeng nagbibigay ng hindi sinasadyang motibo sa lalaki. Kung alam n’yo nang crush n’ya kayo, ‘wag n’yo ng bigyan ng false hope. Kung inaaya kayong lumabas (meaning date), ‘wag kang sumama. Kung may ibinigay s’ya sayo, tanggapin pero sabihing hanggang magkaibigan lang kayo. Kung nangungulit, iwasan. Magdala ng baril kung kinakailangan. Kapag hindi tumigil, problema na ‘yon ng lalaki. Pero ‘wag na ‘wag paniwalain ang lalaking may gusto ka din sa kan’ya. Lalo lang kasing lumalaki ang problema.
“Salamat, ha?”, si Vickie. Parang nahihiya sa akin. “Naabala pa kasi kita!”
Kasalukuyan na kaming naglalakad papalabas ng gate of success ng aming unibersidad. Medyo madilim na din ang paligid. Kakaunti na lang din ang mga estudyanteng naroroon.
“Wala ‘yon. B-basta ikaw!”, tama kaya ang sinabi ko.
Katahimikan.
Nakarating na kami sa labasan. Nag-aabang ng masasakyan n’ya. Magkaiba kami ng way papauwi kaya magkaiba di ang sasakyan namin.
“Uy, kunin ko ang number mo.”, sabi n’ya. Tae talaga ako, s’ya pa talaga ang inantay kong manghingi ng cellphone number. Arg! Bakit ko ba naman kasi sinalo lahat ng katorpehan sa mundo. Nakakainis.
Idinial ko yung number ko sa cellphone n’ya. Sinave n’ya.
Katahimikan.
Dumating na ang jeep na sasakyan n’ya. Wala pa din akong nasasabi sa kan’ya. May gas!
“So paano, una na ako. Salamat ulit!”.
“S-sige, ba-bye.”, tapos sumakay na si Vickie. Unti-unti nang umandar ang sasakyan. Last chance ko na ‘to. Kailangan may gawin ako. Ayaw kong hanggang dito na lang ang ending ng kwento ko kay Vickie. Nahihirapan na ang writer na magdadag na naman ng panibagong character sa kwento ko. Ilang dipa na din ang layo ng jeep na sinasakyan ni Vickie.
“VICKIE. P’WEDE KA BA BUKAS? YAYAYAIN SANA KITANG LUMABAS!”, sigaw ‘yon. Hindi ko alam kung saang lupalop ng mundo ko nakuha ang lakas ng loob na ‘yon. Hindi ko alam kung narinig ako ni Vickie. Nakatingin lahat sa akin. Ang tao na nag-aantay ng mga jeep. Ang mga tricycle driver. Ang mga teachers na pauwi na sa kani-kanilang bahay. Ang tambay na bumibili ng yosi sa tindahan at ang tindera ng tindahan. Ang barker ng jeep. Ang mga kasakay na mga tao sa jeep kung saan lulan si Vickie. Maging si Vickie. Nakangiti lang. Umiiling. Tapos tumalikod na s’ya.
Lungkot ang naramdaman ko. Pakiramdam ko, wala na akong mukha para humarap sa mga taong nakarinig ng pag-aaya ko sa bababeng aking sinisinta. Masakit sapagkat naramdaman ko ang rejection. Rejection na naman. Nakatingin ang mga taong binanggit ko kanina na nagulat sa pagsigaw ko. Nakatungo na lang ako.
Nagvibrate ang cellphone ko.
Kinuha ko ‘yon sa bulsa ko. Tiningnan kung sino ang nagmessage.
Unregistered number.
Binasa ko.
“Tnx 4 helping me.. dun sa alok mo kanina, Y not? -Vickie”
Natulala ako. Sheet. Pumayag si Vickie.
Binasa ko muli yung message. Kay Vickie talaga. Ang saya nang pakiramdam ko. Sobra. Parang gusto kong magtatalon sa tuwa. Parang gusto kong sumayaw. Grabe. Ganito pala ang pakiramdam ng na-appreciate ang munti mong effort. Kilig ng kaunti.
Agad akong nag-compose ng message.
“Salamat din. Sobra kong saya. See you tomorrow. Ingat ka!”, pinindot ko agad ang send. Excited na ako para bukas. First date ng buhay ko. Inabangan kong mag-message sent pero packaging tape, Failed.
Wala pala akong load. Wala akong load. Wala akong load.
Hindi nagsend.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento