Miyerkules, Abril 9, 2014

No Girlfriend Since Birth (Ang buhay pag-ibig ni Eli) Chapter 6

Magulong Kabanata


Matagal akong nakatayo sa may harapan ng library. Inaantay ko si Vickie para sumabay sa kan'ya sa pagkain ng tanghalian. Yes, dumedate. Pero ang masaklap, hindi s'ya naging date. Mukhang group lunch out lang. Kasama ko si Pete. Naka-upo sa may bench ng school. Okay naman sa akin kung si Pete lang ang kasama pero mas masaklap na pati si Jane ay naroon din. Gas!

"Hey Eli, thanks to me.", sabi ni Jane sa akin. Nakangisi. Dumadagdag pa sa init ng ulo ko ang init ng katanghaliang tapat. Oo, kalapit ko sya sa may harapan ng library habang inaantay n'ya akong antayin si Vickie.

Tiningnan ko s'ya ng masama. Wala akong pakialam kung s'ya man ang dahilan kung bakit ngayon ako ay masaya. S'ya rin naman kasi ang dahilan kung bakit nag-iinit ang ulo ko nitong nakakaraang mga araw. Ang pagpasok n'ya sa sistema ko ang isa sa pinakamasamang nagaganap sa buhay ko.

"Kasama ka ba sa lunch out?", tanong ko sa kan'ya.

"Malamang dahil lagi kaming magkasama ni Vickie"

"Huh? Paanong lagi kayong magkasama ni Vickie" Nagtataka talaga ako kung paano naging magkaibigan sila ni Vickie. Hindi ko nga s'ya nakikita na laging kasama nito.

"Nakikita mo na ako, hindi mo lang tanda!", makahulugan n'yang sabi. Hindi ko na 'yon pinag-ukulan ng pansin.

Lumabas na si Vickie. Masaya na ako ng makita ko s'ya. Masaya s'yang nakita si Jane. Nakangiti niyang nilapitan si Jane.

"Sorry sa paghihintay"

Vickie, nag-antay din naman ako ah? Pero hindi ko 'yun sinabi sa kan'ya. Nakangiti lang ako pero sa totoo lang, may kurot sa puso ko ang nakikita kong eksena. Bakit ba close si Jane sa lahat ng ka-close ko. Si Pete, ka-close n'ya. Si Vickie, ka-close n'ya. Kami na nga lang ang hindi.

"Eli, thanks for waiting here also", Cloud nine.

Wala akong naisagot. Walang lumabas na kahit anong tinig sa aking bibig. Tanging ngiti at tango lang ng ulo ang isinagot ko sa kanya.

Nag-yaya na silang umalis. Magkasabay si Jane at Vickie. Ako kay Pete. Tahimik lang s'yang nakatingin naman kay Jane. Teka nga, anong mayroon? Bakit hindi ako kinakausap nitong si Pete? I smell something fishy!

Tahimik kami ni Pete, oo. Pero kapag kami lang dal'wa, hambog pa kami sa mas hambog. S'ya siguro ang pinaka-karibal ko sa titulo ng pagiging gwapo. Wala namang panama ang kagwapuhan ni Lloydy o ni Papa P. Kami ang gwapo. Walang tututol.

Kung tama ang hinala ko, magandang pagkakataon ito para mawala sa buhay ko itong si Jane. Evil plan on process. Tae, nagiging isa na akong kontrabida.

Mahilig ako sa PBB (Pinoy Big Brother); isang reality show na laganap ang kaartehan, backstabbing, tsismisan at tunay na ugali ng mga Pinoy. Sobra akong haling sa palabas na 'to. Dito ko kasi mas nakikita kung gaano magkaiba ang ugali noon sa ngayon. Akala ko nga ay isa akong psychiatrist na walang ginawa kung hindi tingnan ang mga kilos at pag-iisip ng ibang tao. Hindi corny ang palabas na 'to. Mas corny ang mga taong nagsasabing ang pangit ng palabas na 'to para mapagkamalang sila'y isang astig at cool na tao. Sabagay, mahirap nga namang manood kung repleksyon mo ang makikita mo. Hindi madaling matanggap ang mga katotohanang kalimitan na karakter ng isang Pinoy bukod sa pagiging masayahin ay ibackstab ang 'yong kaibigan. Kung napapansin n'yo, paborito kong pag-usapan ang isyung ito. Hindi sa bitter ako sa kanilang lahat. Sobrang bitter lang na tipong gusto ko nang magkaroon ng batas sa Pilipinas na lahat ng mga ganiyang tao ay patawan ng bitay o kaya'y garote. Ipatapon sa naglalagablab na apoy o iparecycle. Nakakainis.

Lumingon sina Vickie at Jane sa amin. Ngumiti sila. Tumugon din naman kami sa kanila. Iba ang ngiti ni Jane ah? Baka tibo din ito at kunwari ay nirereto ako kay Vickie pero s'ya naman pala ang may gusto dito. Iba rin ang ngiti ni Pete. Naku, baka ito naman ay gurlush at sa akin na man may gusto. Hanep ang utak ko...

"Pete...", panimula ko. Tsi-tsimis ako. Ito yung magiging line ko. 'Anong klase kang kaibigan? Kailan mo pa ako napag-isipang lihiman?' pero mas'yado itong OA para gawing pang-Oscar Award na linya. "----mukhang may tama ka dun, ah?" Inginuso ko si Jane. Nagtatawanan yung dal'wa.

Namula si Pete. Nanlaki ang mata. Yung reaksyon n'ya ang nagsasabing 'Paano mo nalaman?'. Nakakatawa.

"'Wag mo ng itanong. Halata Brad!", inakbayan ko s'ya. Ngumisi ako. Plan, activated. "Alam mo p're, madali lang ang sulusyon d'yan"

Tumingin ako kay Jane at Vickie. Tumingin din si Pete sa kanila. "Bakit hindi mo i-date si Jane?"

Mapaklang ngumiti si Pete.

"May gusto s'yang iba, eh"

"Huh?", bumitaw ako sa pagkaka-akbay sa kan'ya. "Paano mo nalaman?"

"Tinanong ko sa kan'ya", walang emosyon n'yang sagot.

"Eh sino daw ba ang gusto n'ya?"

Katahimikan.
Ngumiti lang s'ya.
Walang anumang pangalan ang lumabas sa bibig ni Pete.
Packing Tape.

"Dito na pala tayo!", pag-iiba n'ya sa usapan. Tapos nagdiretso  na s'ya sa mga nakahaing mga ulam sa kariderya. Weird pa sa weird ang ikinikilos nitong si Pete.

Hindi ko na ulit kinulit si Pete tungkol sa mga bagay na 'yon. Baka hindi n'ya lang masabi kung sino dahil masakit. Teka, comedy ang target ko sa kwentong ito at hindi drama pero dahil hindi naman talaga natin maiiwasan ang bagay na 'yon, isinama ko na para intense.

Ang drama ay isang sangkap sa mga magagandang bagay na nagaganap sa buhay ng isang tao. Walang taong laging masaya. Lahat, humaharap sa drama ng buhay. Mahirap magpatawa kung nabasted ka! Real talk. Mahirap tumawa (minsan) kung alam mong wala ka ng pera. Mahirap sabihing kaya mo pa kung hindi naman talaga. Madaming bagay na mahirap gawing positibo sa panahon ng 'yong kadramahan. Ang mahalaga naman, hindi mo sinukuan. Hindi mo dinibdib ang problema. At isa pa, may kaibigan at pamilya kang patuloy na sayo'y sasama sa iyong pagdadrama. Drama!

Magkalapit kami ni Pete habang kumakain. Nakaharap kami kina Vickie at Jane. Hindi kami nag-uusap. Mukhang gutom kaming lahat, ah? Walang imikan.

Kaibahan naman 'yon sa nasa kabilang mesa. Maiingay na mga babaeng pasosyal ng kaunti pero sa karinderya kumakain. Ang ingay, sobra. Tawanan at tsimisan ng tsismisan. Jusko! Tapos, nagselfie na 'yong isa. Hala, hindi ba awkward na nagseselfie ka sa karinderya? Mamaya, hash tag na 'yan.

Ang art of selfie ay hindi ko talaga ma-appreciate. Hindi naman ako naiinis sa mga taong mahilig sa selfie. Kapatid ko ngang babae, lord of selfie kaya walang kaso sa akin kung magselfie ka maghapon. Selfie talagang maituturing kung nagselfie ka na, nilike mo lang at may comment mo lang. That's too selfie. What the F? Tapos, ang selfie ay lalo pang lumaganap ng mauso ang Camera360 at Retrica. Naging mabenta ang pagse-selfie sa bansa. Bukod sa pagiging social media ang facebook ay isa rin itong photo album ng mga Pinoy. Galing ano? Wala ka ng problema sa pagpapaprint ng picture para ilagay sa photo album n'yo sa bahay. (Na usong-uso noon noong wala pa ang Free FB sa 'Pinas. Ang mga photo album noon ay nakalagay sa ilalim ng mesita ng living room. Ipinapakita 'yon sa mga dumarating na bisita. 'Yung nude photo mo noong bata ka pa! Maliit pa 'yung ano mo noon. Yung katawan. Kaya nahiya ka, ikaw ha?)

Kung noon:

'Mare, patingin naman ng picture n'yo noong last outing!'

'Naku mare, nasa bahay!', lugmok si kumare.

Ngayon:

'Mare, nasaan na 'yung picture n'yo last outing?'

'Ay mare, check mo sa FB ko. Naipost ko na! T-in-ag pa kita!', di ba instant? Bubuksan lang ang cellphone at titingnan ang sinasabing picture sa facebook (dahil may free fb pa) at walah, nakita mo na ang photos na gusto mo instantly. 'Mare, may comment ako. Check mo na lang'

Nagselfie ako pero stressful. Wala kasi akong mapiling maganda. Magandang burahin. Lahat panalo ang kuha. Kaya naisip ko, 'wag na lang magselfie. Naku, hindi para sa akin ang selfie. Naiistress lang ako. Baka mawala ang natitirang paggalang ko pa sa sarili ko. Tama na ang mga backshots. Atleast, may art!

Isa pang nakaka-aliw sa atin ang ganito. 'Hoy', tawag mo dun sa kaibigan mo. 'Nagcomment ako sa photos n'yo noong swimming n'yo, ah?' Hindi ba nakakatawa. Ini-inform pa talaga natin na nagcomment tayo dun sa isang post. Pa-hula effect pa tayo kung ano 'yung ikin-omment natin sa post n'ya. 'Yun naman pala, Hahahaha :) lang ang sinasabi mong comment sa kan'ya. Ba-eh katindi!

Matapos kaming kumain ay agad kaming bumalik sa eskuwelahan. Walang kwenta. Akala ko ba kaming dal'wa lang ang dapat ang magkasama. Sayang lang ang pag-iinarte ko kagabi. Sayang ang nararamdaman kong kilig. Nakakainis.

Muli kaming bumalik sa kan'ya-kan'ya naming klase. Normal na hapon. Nagsisisi ako na pinaasa ko lang ang sarili ko na may magandang magaganap ngayong hapon. Inaantok pa ako. Walastik. Ang msaklap pa nito, may quiz kami at hindi gumagana ang utak ko. May Gas!

Napagpasyahan ko na lamang na umuwi. Wala din naman. Hindi din naman naganap ang dapat sana'y maganap...

"Hoy! Hoy!", parang ako 'ata yung tinatawag. Si Jane? Tumatakbo papalapit sa akin. Dinambahan ako at boom...

Nasa ibabaw ko s'ya. Nakadag-an sa katawan ko. Tanga lang! May pag-damba pa kasing nalalaman, eh? Parang, nag-pause ang lahat ng makita kami. Ay, sheet!

Mabilis kaming bumangon. Namula s'ya. Nag-init ang mukha ko. Ang cute ni Jane.

"S-sorry.", nahiya s'ya. Ang cute. "T-teka Eli, saan ka pupunta? Ba't mo iiwanan si Vickie?"

"Bakit? Nand'yan pa ba s'ya?"

Napatapik s'ya sa kan'yang noo.

"Ay, oo! Di ba, lalabas kayo?"

"Ha?"

"Di ba?"

"Hindi pa ba 'yun yung kanina?"

Natawa s'ya. Natawa s'ya na may halong pang-aasar.

Oo nga ano? Bakit nga ba hindi ko naisip yun? Naku naman Eli..

"Tsk. Mabuti pa, bumalik ka na sa library---", tapos hinawakan n'ya ang braso ko. Hinila n'ya ako. Napatitig ako sa pagkakahila n'ya sa akin. May sinasabi pa s'yang mga bagay pero hindi ko na maintindihan. Basta, magulo. Kasing gulo ng utak kong nagtatanong kung ano ba 'tong nararamdaman ko? Ito 'yung nararamdaman ko kapag nakikita ko si Vickie. Pero sa ngayon, hindi 'to para kay Vickie. Para kay.. Jane? Ah, Walang kasing gulo!

Binitiwan n'ya na ang kamay ko nang nasa tapat na kami ng library. Nang oras na 'yon, gusto ko pa ding hawakan n'ya ang mga braso ko. Ang kamay ko. Pero, mali 'ata na mag-asam ako ng ganung mga bagay. Si Vickie ang gusto ko at hindi s'ya.

Nakatingin si Jane sa cellphone n'ya ng ibaling ko ang paningin ko sa kan'ya."Palabas na daw si Vickie", tapos ipinasok n'ya na bag n'ya yung cellphone. "Goodluck sa date n'yo!", tinapik n'ya ako sa likod. Tapos nagpaalam. Humakbang na s'ya papalayo sa akin.

"Teka, Jane?", pigil ko. "S-sabay ka na sa amin paglabas---"

"H-huh? N-naku, 'wag na. Ayaw kong makaistorbo sa inyong dal'wa.", mahina yung pagkakasabi n'ya. May lungkot yung tono.

"Ah, sige. Ikaw ang bahala!"

Tapos, ayun parang nawalan ako ng gana. Parang tinatamad na ako. Basta, naiinis ako.

Lumabas si Vickie. Nakangiti kaya gumanti na din ako. Dapat masaya ako. Dapat, hindi ganito. Mahal ko ba si Vickie? Hindi, gusto ko lang s'ya.

Kumain kami.

Lutang ang utak ko.

Si Vickie ang kasama ko pero si Jane ang nakikita ko.

Ang gulo.

Ang landi ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento