Tamang-Hinala
Nag-enjoy naman ako sa paglabas namin ni Vickie kaya lang sa hindi ko malamang dahilan, may isang tao ang pumapasok sa utak ko. Si Jane. Bigla, parang gusto ko na s'yang makita. Nakakainis, kasi pangalawang gabi na 'tong hindi ako dinadalaw ng antok. Nung una, si Vickie ang dahilan. Ngayon, si Jane naman.
Binuksan ko ang nag-aagaw buhay kong cellphone. Tiningnan kung may mensahe mula sa kung kanino man. 1 message.
Binuksan ko yung mensahe. Si Vickie. Akala ko si Jane. Talagang nag-aantay ako kay Jane ng mensahe pero sa totoong buhay, wala kaming mobile number ng isa't isa. Arg. Nahihibang na ako ng sobra.
HIndi ko na alam ang gagawin ko. Gusto kong buksan ang television sa baba kaya lang, baka patayin ako ng mga kasama ko dahil magigising sila. Nakakainis.
Ala-una na pero patuloy sa paglalakbay ang utak ko. Walang patutunguhan ang ganitong pangyayari kaya kailangan ko nang itigil ang mga katangahang pumapasok sa aking utak.
Grabe, instantly, nagbago yung gusto ko. Ganoon kabilis nawala. Pero, kailangan kong paglabanan. For the sake of 'not-single-forever', kailangan ko 'tong tigilan.
Itinulog ko na lang ang pagdadrama ko sa chapter na 'to. Baka mabored na ang mga reader kapag ipinagpatuloy ko pa ang dramang ito. 'Wag na.
Kinabukasan, magkasama kami ni Pete sa university canteen. Tambayan din kasi namin ito bukod sa library. Libre upo, libre kuryente. Dito kami gumagawa ng thesis. 'Yun nga lang, hindi kami mahilig um-order. Mahal!
"Kamusta naman kayo ni Vickie?", basag na tanong ni Pete sa akin.
Napatigil ako sa tanong ni Pete. Ano ba ang dapat kong isagot?
"Ayos naman. Wala pa namang something sa aming dalawa!", walang buhay kong sagot. Gusto kong mag-open kay Pete na naguguluhan ako ngayon kaya lang, si Pete nga pala ay may gusto kay Jane. Baka magulat pa 'to.
"Eh, kay Jane?", halos malaglag ako sa kinauupuan ko ng marinig ko ang tanong n'yang 'yon.
"H-ha?", kung siguro kumakain o umiinom ako ngayon ay naibuga ko na ito sa kan'ya tulad ng mga lumang comedy.
Nakatingin si Pete sa akin. Putsa, baka makahalata ito ah? Dapat hindi n'ya malaman. Jusko! Ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin. Ayaw kong matulad sa ibang magkakaibigan na nagsusulutan..
Sobrang hirap mawalan ng tunay na kaibigan. Mahirap kasi itong hanapin. Iba ang tunay na kaibigan. Ito kasi ang tunay na nakakakilala sa iyo ng sobra. Ito ang mas pinagkakatiwalaan mo sa lahat ng bagay. Sabi nga ng isang qoutes, ang tunay na kaibigan ay s'yang magpapatawa sa'yo sa oras na umiiyak ka. Mautot ka. Hanggang sa maiyak ka na ulit katatawa. 'Yan ang kaibigan. Hard!
"Kami? 'Di ba nakikita mo namang hindi kami nagkakasundo tapos tatanungin mo ako ng gan'yan?", tumawa ako ng mapakla.
Tumingin sa akin si Pete. Taena, mukhang nakakahalata 'ata ito. Ini-scan ako mula ulo hanggang dibdib.
"Sigurado ka?", 'yung tanong n'ya, halatang may pang-uusig.
"O-oo naman. Brad, ano bang problema? Bakit mo ba kasi ako tinatanong?"
"W-wala lang..."
Ah. Okay. Kahapon, iniwan ako nitong nagtatanong. Tapos ngayon, ganun ulit? Problema nito? Tsk. Nasosobrahan na 'ata sa kape kaya nagkakaganito 'to.
Promise po talaga. Si Jane ay kaibigan ko na lang! Walang labis, walang kulang! Ang feelings-feelings na 'yan, nakakamatay 'yan. Nakakastress kaya dapat limitahan.
Inilabas ni Pete 'yung cellphone n'ya. Nagko-compose yata ng message. Ngumiti.
"Pupunta daw sina Jane dito!"
Sina? Ibig sabihin, kasama si Vickie. Okay ah. Magandang pagkakataon ito para makalimutan ang kalandiang nararamdaman ko para kay Jane.
Nagbuntong-hininga ako. Wala na ang feelings. Dapat, normal na ulit ako.
Dumating sila Jane. Mukhang masaya 'yung dalawa. May excitement akong nararamdaman sa mga mukha nila.
"Hello Pete, Eli!", kumaway silang dalawa. Lumapit sa akin si Vickie. Si Jane kay Pete. Tang-aruy, bakit may kaunting selos akong nadarama nang nakikita ko yung dalawa.
"May sasabihin kami sa inyo!", si Jane. Nakangiti. "Sa sabado, maggala naman tayong apat! Ano sa tingin n'yo?"
Double date ulit? Naku, mukhang masaya 'to. Sana maging masaya nga dahil itong tang-go kong puso, hindi ko maintindihan.
"Sige 'ba!", sagot ni Pete.
Ngumiti na lang ako.
"Yesss!", sabay pa yung dal'wa with matching apir.
Bahala na siguro sa Saturday kung ano ang maaaring maganap. Mabilis din silang nag-paalam. May dadaanan pa daw sila sa isang bookstore na kailangan nila para sa kanilang thesis. Muli kaming bumalik sa paggawa ng aming thesis. Walang usapan.
"Brad, mukhang apektado ka kanina?", basag ulit ni Pete sa usapan naming dal'wa. Nagpukol agad ako ng masamang tingin sa kan'ya. Gusto ko na talagang sapukin itong kaibigan kong ito.
"Anong ibig mong sabihin?", pagmamaang-maangan ko sa kan'ya.
Ngumisi s'ya.
"Hindi ka talaga magaling umarte!"
"Ano ba kasing sinasabi mo?"
"Tsk. Sige na nga. Sa ngayon, hindi muna kita kukulitin tungkol dito dahil alam ko naman na mga ilang araw pa ang darating, malalaman mo na din kung ano ba talagang nand'yan...", sabay turo n'ya sa puso ko. Ang corny ng usapan naming dalawa. Ang corny pala talaga.
Hindi na muli ako nagsalita. Maya-maya, tumayo si Pete.
"Tol, aalis lang ako sandali. Babalik din ako mamaya!", tinapik-tapik n'ya ako.
Tumango lang ako. Ngumiti.
"'Nga pala, gusto ka rin n'ya, wag kang mag-alala", pahabol pa n'ya.
Napaangat ako.
Ano daw? Gusto? Nino? Question mark, again and again.
Pak-shet.
Pak-shet.
Pak-shet ka talaga Pete.
(Juan's Note: Wala kasi akong maisip na magaganap kaya maiksi lang ang kinalabasan ng kwento!)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento