Martes, Mayo 13, 2014

No Girlfriend Since Birth (Ang buhay pag-ibig ni Eli) Chapter 3

Ikatlong Kapalpakan

Maaga akong pumasok ng unibersidad para magreview. Last semester na ito. Kailangang magpursigi sa pag-aaral para makagraduate at para makakuha ng magandang trabaho. Patapos na rin naman ang thesis namin ni Pete. Oo, magkaklase pa din kami ni Pete. Iniisip ko nga, baka kami ang meant for each other ni Pete. Yuck! Nakakasukang pakinggan.

Magkikita kami ni Pete ngayon. Ilang araw din kasing hindi ito umattend ng klase dahil nagtatapos ng thesis namin. Sa kan'ya kasi ang last part ng documentation. Naku po, sana lang ay 'wag magpakita si Jane.

Naghanap ako ng maaaring pagpuwestuhan.

"Hoy Eli! Dito!", pamilyar ang boses na 'yon. Si Jane. Naroon s'ya sa isang bench at kumakaway. Ako malamang ang tinatawag n'ya. Ako lang siguro ang Eli na kilala n'ya.

Tumalikod ako at nagtangkang umalis pero sa tingin ko ay susundan n'ya ako.

"Hoy, Eli. Ano ba? Tinatawag kita, ah?", sabi n'ya sa 'kin. Habol hininga pa s'ya. Halatang tumakbo. "Tae naman 'to, eh"

"Eh sino bang may sabi sa'yo na habulin mo ako?"

"Hoy, hindi ko gustong habulin ka pero may pinasasabi si Pete sa'yo!"

Ha? Kilala n'ya rin si Pete? Teka, sino pa ang kilala n'yang kakilala ko? Pusa, masyado na 'tong maraming alam sa buhay ko ah?

"Kung nagtataka ka kung paano ko nakilala si Pete, kaibigan ko rin s'ya"

"Bakit wala s'yang nababanggit sa akin na may kaibigan pala s'yang sobrang pakialam at madaldal?"

"Eh bakit naman n'ya ako ikukwento? Hindi ka naman nagtatanong, ah?", sabi n'ya sa akin. "Sabi kasi ni Vince, ako na lang daw tumulong sa'yo sa pagreview at saka, may sasabihin rin ako sa'yo eh". Ngisi.

"...", nakatitig lang ako sa kanya habang iniintay ang sasabihin "daw" n'ya.

"So ganito 'yan. Napansin ko kasi na mukhang gusto mo si Vickie. At naisip ko, bakit hindi mo s'ya ligawan?"

What the ....? Eh kung itinutumba ko na lang kaya 'to ng matigil. Sobra-sobra na ang panghihimasok n'ya sa buhay ko. S'ya na lang kaya ang manligaw kay Vickie?

Ang panliligaw ang phobia ko. Takot na takot akong magsabing gusto kong ligawan ang isang babae. Una, dahil takot akong mareject at ikalawa, sobra-sobra na akong nareject. Nakakaumay na.

Hindi talaga ako marunong manligaw. Kung ano ang prosesong nagaganap dito ay hindi ko din alam. Ni hindi nga ako marunong magpakilig ng babae, eh. Parang isang palaisipan pa sa akin kung paanong ang ilang lalaki na hindi naman talaga kagwapuhan nakakapagpapasagot ng isang babae. Talkies lang daw 'yon. Eh, paano 'yan, masyado akong diretso? Hindi ko alam kung paano mang-talkies at sabihin lamang ang nais marinig ng isang babae. Siguro, banda-banda d'yan ay matutunan ko rin ito.

"Ha?", yun lang nasabi ko.

"Anong ha? May kilig kaya akong nararamdaman sa inyong dal'wa"

Kilig ng sapat.

"Tss. P'wede bang tigil-tigilan mo ako sa mga naiisip mo", pa-suplado ng kaunti.

"Basta, isu-sure kong magkakaroon ka ng lovelife", tapos kinindatan n'ya ako. Tsk. Akala mo nakakatuwa ka. Hindi kaya? Pero teka, parang may sumundot sa dibdib ko. Ano 'yon?

Sa ganoong tagpo, nakita ko ang aking sarili na nakatulala. Tapos, naririnig ko na 'yung kalabog ng dibdib ko. Ano ba talaga 'to? Parang unti-unti, gumaganda s'ya sa paningin ko. Takte. Ha? Ano 'yon?

Speaking of maganda, paano ba natin ide-define ang salitang 'to? Sabi ng panalong linya kapag tinatanong ang salitang 'to, "Beauty is in the eye of the beholder". Tama! Nasa sa'yo 'yan kung paano ka magiging maganda. Hindi lang naman 'yan pisikal na aspeto lang. Mas'yadong malawak ang salitang kagandahan. Hindi p'wedeng maganda ka dahil maputi ka o makinis ka o kissable lips ka. Maraming maputi pero 'di naman kayang dalhin. Maraming makinis pero 'di kayang dalhin. Maraming kissable lips pero 'di kayang dalhin. Depende talaga 'yan sa pagdadala. Kung iniisip mong magpa-punchline ako sa talatang ito, wala akong maisip eh. Ang hirap magpaka-komedyante.

Maghapon ang dumaan pero wala naman nangyaring kakaiba sa akin maliban sa insidente ng pangingi-alam sa buhay pag-ibig ko nitong si Jane.

"Hello!", hindi si Jane. Hindi rin si Pete. Foot spa. Si Vickie. Oo, si Vickie.

Hindi ko alam kung an'yare sa mundo. May gas, naghello sa akin si Vickie. Is it real? Yes, it is. Hindi ko alam kung anong itsura ng mukha ko habang nakatingin ako sa kan'ya. Malamang, pang-epikong katangahan.

"..sasabihin ka daw?", yun yung huling narinig ko mula sa napakagandang mga labi n'ya. Sheet. Nakakabingi ba talaga kapag kinakausap ka ng taong matagal mo ng gusto? Text NGSB <space> Yes or Text NGSB <space> No sa 123 para sa Ismart, Towk eyn Teks and San Selular at 1234 sa Glowb and Ti-Em.

Uso ngayon 'yan. Yung poll surveys through cellular phone. Biruin mo, 2.50 per text ang nakakaltas sa'yo. Kunwari, may cash prize. Pero ang totoo, business 'yan. Kaya 'wag magpauto! Except po dito sa poll survey na nasa taas. Exempted to. Seryoso.

Sabi ng pick-up line ni Balagtas, ang love daw ay kayang humamak masunod mo lamang. Sabi naman ni Nina, it moves in mysterious way. Sabi ni Shakespere, Love looks not with the eyes, but with the
mind (Mid summer night. Kunwari, matalino at palabasa ako ng malalalim na libro. Ang totoo, IG lang 'yan!). Sabi ni Juan patungkol sa love, ito ay pagiging masaya kahit nahihirapan ka. Tae, deep! Kanya-kanya tayo ng definition about pagmamahal. Hindi 'yan kayang ipaliwanag ng wikipedia, o mahanap ni google. Na sa iyo 'yan. Fill in the blank. Ang pag-ibig ay ______________________. Yeah, deep!

"Ah-eh-ah", tetra pack anong sasabihin ko? Napapakunot na ng noo si Vickie at halatang nag-iintay sa sasabihin ko. Arg.

"Kung gusto mo daw magreview kasama s'ya?", kilala n'yo na kung sino s'ya. Si Jane.

"Ah, sure!", mabilis na sagot ni Vickie. "Ah Jane, thank you nga pala kahapon dun sa libro. Nakatulong s'ya sa research paper ko!"

"What friends are for!", sabay tawa. Ang dami naman nitong kakilala. Iba talaga kapag pakialamera sa buhay, nagiging mukhang friendly.

Tumingin na sa akin si Jane. Yung hoy-ano-ba-wala-ka-bang-gagawing-move look. Sinisiko-siko na n'ya ako.

"Sige, Eli--Vickie una na akong umuwi sa in'yo!", tapos nag-Aja pa si Jane sa akin.

Kabog ng dibdib.

Anong sasabihin ko?

"T-tara!", yun lang ang lumabas sa bibig ko. Wala, Torpe. Isa akong torpe na wala ng ginawa kung hindi umasa na magkakaroon ako ng isang magandang love life. At ngayon, yung pag-asa ay nagsisimula nang mabuo, tara lang nahihirapan pa akong banggitin sa kan'ya. Ang hirap talaga pag super duper mega ultra crush mo ang isang tao. Lalo kang nagiging torpe. Bakit ba kasi ipinanganak pa akong torpe.

"Pasensya na. Kung ako ay, di nagsasalita", napakanta ako ng Torpedo (by Eraserheads) Malakas 'ata. Napatingin sa akin si Vickie. Napatingin ako sa kan'ya. Natawa s'ya. Nag-init ang mukha ko...sa kahihiyan. Epic.

Maya-maya, narinig kong parang may sinasabi si Vickie.

"..yoko ng Torpe! Ayoko ng torpe!.", narinig kong kumakanta s'ya. Torpe (by Barbie Almabis). Tapos nag-pause s'ya. Tumingin muna s'ya muli sa akin. Ngumiti. "...pero----", may dumaang motorsiklo ng isang estudyante. Yung maingay na motorsiklo. "..ita"

Ha? Ano daw? Putik, hindi ko narinig. Gusto ko sanang itanong kung ano 'yong sinabi n'ya. Nahiya ako. Yun kaya yung next line sa kantang Torpe. Sheet, natatae ako kung 'yon man. Ah, sige itatanong ko na nga lang.

"Ah, Vickie. May sinasabi ka ba kanina?", malapit na kaming makarating sa library.

"Yun ba?", ngumiti ulit s'ya. "---", nagstart na s'yang magsalita. Dumaan ulit yung maingay na motorsiklo.

Epic.

Wala ng ulitan.

Ngumiti s'ya. Ngumiti ako.
Wala ng ulitan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento