Ikalawang Katangahan
Nasa higaan na ako. Katatapos ko lamang kumain ng hapunan. Binuksan ko ang cellphone kong pinaglipasan na ng panahon. May isang mensahe mula sa hindi ko kilalang numero. Binuksan ko.
"Ei, atTend kau ng ating 1st reunion! C u c:", 'yon yung laman ng message. Wala man lang time, date and place. Tsk. Malamang sa facebook, 'dun ako makaka-update.
Tamad akong sumama sa reunion. Hindi kasi nila ako ka-close. 'Di ko nga talaga alam kung natatandaan nila ako. Lagi lang pating humahantong sa pagka-O.P. ang buhay ko sa mga ganitong event. Hindi lang ako nag-e-enjoy. Minsan pa kasi, uma-attend lang yung iba para ipagmayabang ang kanilang kasalukuyang estado sa buhay. Lahat ng maaaring ipagmayabang ay ipagmamayabang. Nakakasuka lang pakinggan. At kapag katulad ko na hanggang ngayon ay patuloy pa rin na nagsusunog ng kilay samantalang yung mga classmate mo, successful na 'dun ko lalo nararamdaman na nakakatamad magpakita sa reunion.
Pero hindi lang naman paangasan ang nagaganap tuwing may reunion. Kadalasan ay kuwento ng mga pagbabalik-tanaw. Mga kuwento ng unang crush, puppy love, napatae o napaihi sa salawal, at ilang mga kuwento ng pingot at dipa moment dahil pinarusahan kayo ng matandang-dalaga n'yong guro. Mga vandalism sa pader o ukit sa arm-chair na ang nakalagay ay "Eli <3 Vickie". Mga garden moment kung saan kada hapon ay required kayong pagandahin ang garden ng section n'yo. Ang pagiging cleaner ang pinakanakakatamad sa lahat. Ang pinaka-ayaw ko ay ang pag-aapply ng floorwax sa sahig pagkatapos ay bubunutin. Ito kasi ang pinakamatrabahong gawain sa lahat. Hindi ako sumubok tumakas sa paglilinis sapagkat natatakot akong mailista sa blackboard sa ilalim ng caption na "TAKAS". Nakakahiya na, may multa ka pang floorwax.
Dahil buhay pag-ibig ko ito, i-throw back natin ang kwento ko.
Noong elementary ako, crush-crush lang uso noon 'di katulad ngayon na grade 1 pa lang, may syota na. Isa s'yang pantasya ng mga kapwa ko grade school student. Ang cute-cute n'ya na para bang manika. Maging ang mga guro noon ay labis ang paghanga sa kanya. Talentado na, mtalino pa. Kumbaga, nasa kan'ya na ang lahat. Buong eskuwelahan ay kilala s'ya. Si Veniece.
Pero hindi s'ya ang crush ko.'Yung kaibigan n'yang sobrang tapang. Si Meg. Medyo boyish s'ya umasta. Mas lalaki pa sa 'kin kumilos. Hindi ko nga alam kung bakit ko s'ya naging crush? Bakit nga ba? Kinatatakutan nga s'ya ng mga bata noon pero ako hindi.
Ah, alam ko na pala. Isang araw kasi ay may nangbully sa akin na mga grupo ng maaangas na batang ang target ay ang mga katulad kong sintu-sinto. Pinagtripan nila ako. Para akong bola sa larong jeta. Tinulak-tulak at pinagpasa-pasahan habang sila'y nakapalibot sa akin. Hanggang sa bumagsak ako at napaluhod. Tumutulo na yung luha at uhog ko. Hikbi ako ng hikbi habang sila ay tawa nang tawa. Maya-maya ay may sumigaw na batang babae. "Hoy, ano 'yan? Itigil n'yo 'yan", utos nito. Nagpulasan 'yung mga bata. Kanya-kanyang takbo. Tapos inalalayan n'ya ako sa pagtayo. Parang s'ya ang naging superhero ko ng oras na 'yon. "Okay ka lang?", sabi n'ya. Tumango lang ako habang hihikbi-hikbi. "S-salamat ha?", nahihiya ko pang sabi. Ngumiti lang s'ya. "Bata, alis na ako ha? Pag inaway ka nila ulit, magsumbong ka sa akin"
Mula noon, naging crush ko na s'ya. Lagi ko s'yang tinitingnan sa malayo. Naaalala ko ang pawis-pawisan n'yang mukha pagkatapos maglaro. Ang pagkakatali ng magulo n'yang buhok. Ang bawat detalye ng kan'yang kilos. Lahat 'yun ay mahalaga sa akin.
Naging magkaklase kami mula grade 5. Doon, naging close kami pati ni Veniece. Pero after graduation, hindi na kami nagkita. Nagpunta na silang U.S. at doon na sila tumira. Wala na talaga akong balita kung ano ang nangyari na sa kan'ya. Baka nga may syota na 'yun. 'Yun nga lang baka pareho sila ng itaas at nang ibaba. Sayang.
Syempre nang maghayskul na ako, walang nagbago sa estado ko sa buhay. Nabibilang pa din ako sa pangkat ng mga emo nang ako'y nasa first year level. Pero nung second year high school na ako, nagkaroon na ako ng kaibigan. Si Pete. Isa ring emo. Masaya naman kami 'pag magkasama. Lahat ng trip namin iisa. Libro, bahay at musika. Marunong naman akong kumanta pero hindi kasing husay n'ya. 'Yun lang masyado s'yang mahiyain kaya hindi na-e-enhance ang confidence n'ya. Pero walang kinalaman si Pete sa kwento ng buhay pag-ibig ko. Gusto ko lamang malaman n'yo na may kaibigan pala ako.
Sa level na 'yan nang aking kabataan una kong naramdaman ang kilig. Tae, kinikilig ang mga lalaki. Di nga lang showy at walang pisikalang nagaganap.
Valentine's day. Uso ang bigayan ng mga pusong may dedication. Lumapit sa akin si Eunice, crush ko noong high school. Maya-maya'y may iniabot s'ya sa akin. Valentine's day card. Grabe nang iniabot n'ya 'yon, parang nagslow motion ang lahat ng bagay tapos may hangin effect. Parang movie. Ngumiti pa s'ya ng pagkatamis-tamis. "Eli, happy valentine's day!". Pak-pak ng manok. Ang saya! Nang basahin ko, ito ang nakasulat.
DeAr Eli,
Hapi VaLeNtiNes Day! Tnx 4 eveRytiNg!
LoVe Lots,
yUniZ
Naging maganda ang maghapon ko dahil sa card na 'yon pero agad ding naglaho ng aksidente kong makita ang valentine's card ni Pete mula kay Eunice. Mas malaki kumpara sa ibinigay n'ya sa akin. Mas mahaba ang mensahe at nagtapat pa ang loka. Mahal n'ya daw si Pete dahil sa maganda itong kumanta. Pu-sit, maganda lang kumanta mahal na agad. Ang babaw. Mula noon, hindi ko na pinansin si Eunice kasi hindi n'ya rin naman ako pansin eh. Kami ni Pete, bestfriend kami. Walang nabago at nagpatulong pa akong maging mas magaling kumanta pero pwe, hindi para kay Eunice. Asa s'ya. Sa gwapo kong 'to, hahabol sa kan'ya. Lelang n'ya.
Ilang araw din ang lumipas at nakalimutan ko na ang nararamdaman ko kay Eunice. Hindi muna ako nagkaroon ng crush. Itinigil ko muna. Para kasi itong alak na kapag tumatagal, tumitindi ang tama. Nagfocus muna akong mag-aral.
Para sa akin, hindi naman masama ang magkaroon ng mga crush-crush basta hindi nakakalimutan ang kanilang responsibilidad sa buhay. Ang pag-aaral. Hoy totoy, hindi ka binibigyan ng magulang mo ng baon araw-araw para ipangdate mo lang. May paproject-project ka pang nalalaman. Saka ka na muna makipagdate kapag mismong sa'yo na manggagaling ang pang-date mo.
At ikaw nene, parang awa mo na. Ang kalandian, mahirap lunasan 'yan pero isipin mo na lang ang magulang mo na todo-kayod para lamang mabigyan ka ng magandang buhay. Nakikiuso ka pa sa mga naglalakihan ang tiyan. Utang na loob naman, bago ibigay ang ano at makipagchukchakan, isipin muna ng isang libong beses ng edad mo. 'Wag padala kay totoy na para mapatunayang mahal mo "daw" s'ya ay ibibigay mo ang nag-iisang bandila. Kung mahal ka talaga ni totoy, puso mo ang kailangan n'ya at hindi ang isang "pu" (Parental Guidance is recommend). Kaya kayong dalawa bago bumuo ng pamilya, itanong muna sa sarili kung kaya n'yo na bang bumuhay at mamumuhay ng may sariling pamilya. Kasi kung hindi pa, pigilan muna ang kakatihan at mag-aral muna. At hoy totoy, magpatuli ka pati muna. Girlfriend ka ng girlfriend, supot ka pa pala. Boom supot!
Speaking of tuli. Lahat ng lalaki dumadaan dito. Bawal kasi sa ating mga Pinoy ang supot. Hindi naman talaga nakatala sa libro ng mga batas ng Pilipinas na ang mga Filipino ay kailangan magpatuli pero dahil likas na alaskador ang mga Pinoy at ayaw masabihang supot kaya parang nagiging requirements.
Hindi kami mayaman kaya hindi ako nagpatuli sa isang duktor. Sa isang magtutuli sa aming lugar ako nagpatuli. Kay Ka-Kiko (hindi tunay na pangalan). Dalawang pukpok lang yung sa akin noon. Buti nga ay hindi ako hinimatay kasi, tae yung assistant ni Ka-kiko, matindi magdescribe. Hindi ko na din idedetalye ang mga kaganapan. Mahirap na at baka makapag-isip ka pang magpatayo ng business ng pagtutuli. Bukod doon, rated SPG 'yon. Nakakashock.
Third year high school na ako ng naisipan ko uling lumandi. Hindi, crush din lang. Medyo boyish din s'ya. Hindi ko alam kung bakit attracted ako sa ganoong klase ng babae. Siguro dahil mas astig sila. Mas matapang. Mas may paninindigan. S'ya si Kylie.
Pero sa kasamaang palad, gusto n'ya ay gusto ko din. Nauna pa s'yang nagkagirlfriend sa akin. Pesteng lovestory 'to.
Marami na akong nagagawang kwento. Kalimitan ay kwentong pag-ibig. Nakakalikha ako ng iba't ibang lovestory pero ang sarili kong lovestory ay hindi ko mabuo. Paulit-ulit na lang ang nagaganap. Manliligaw palang pero bumabagsak sa pagkabasted. Siguro, talagang hindi nila kinaya ang pagiging gwapo ko. Baka kasi natatakot silang magkaroon ng maraming kaagaw. Pero sa tingin ko'y mas mahirap mangarap na may lovestoryng nagaganap sa buhay ko. Chos! Ang dami kong drama. Nakakakilabot.
Kaysa isipin ko ay ang letseng lovelife na 'yan, pag-iisipan ko muna ang maaari kong idahilan kung sakaling hindi ako pupunta reunion. Bahala na siguro. 'Pag naisipan kong pumunta, pupunta ako. Pupunta ako.
.....
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento